MENU

ROME PE

Ipinapaalam ng Embahada ng Pilipinas sa Roma na alinsunod sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) Resolution No. 30 na inilabas noong ika-29 ng Abril 2020, lahat ng mga Pilipinong papasok sa Pilipinas galing sa ibang bansa na hindi OFWs (i.e. pauwing turista, pauwing emigrante, estudyante, J-1 visa holders, etc.) ay kinakailangang sumailalim sa mandatory quarantine na hindi hihigit sa 14 na araw at COVID-19 testing sa kanilang pagdating.

Ang mga dayuhan na exempted sa travel ban ng Pilipinas ay kinakailangan ding sumailalim sa nasabing patakaran.

Maaari ding maantala ang paglalakbay palabas ng Metro Manila papunta sa ibang probinsya dahil sa limitadong masasakyan gawa ng patuloy na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at sa ibang parte ng bansa.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng Embahada ang lahat ng mga may balak umuwi sa Pilipinas na ipagpaliban ang biyahe kung hindi kinakailangan upang maiwasan ang mga ganitong abala at para na din sa inyong kaligtasan sa gitna ng banta ng COVID-19.

Maraming salamat po.

30 Abril 2020