MENU

ROME PE

Nais ipaalam ng Embahada ng Pilipinas sa Roma sa lahat ng Pilipino sa Italya na naglabas ng bagong dekreto ang Presidente ng Konseho ng mga Ministro (DPCM) noong ika-26 ng Abril 2020 na nagsasaad ng mga bagong patakarang ipatutupad magmula sa ika-4 ng Mayo 2020 hanggang ika-17 ng Mayo 2020 kaugnay ng pagpigil sa paglaganap ng COVID-19 sa Italya.

Ang bagong DPCM ay nagpapahintulot sa pagbukas ng mga karagdagang komersyal na aktibidad. Sa ilalim ng nasabing dekreto, pinapahintulutan na ang mga sumusunod:

1. Pagbisita sa malapit na kamag-anak na nakatira sa parehong rehiyon;
2. Pag-ehersisyo sa labas ng bahay at pagpunta sa mga parke basta’t mapapanatili ang pisikal na distansyang 1 metro;
3. Pag-takeout ng pagkain sa mga restaurants; at
4. Pagdaos ng libing na limitado sa 15 katao ang maaaring dumalo at kailangang magsuot ng mask at panatilihin ang pisikal na distansyang 1 metro.

Patuloy na ipinagbabawal ang paglalakbay, maliban kung kailangan lumabas para pumunta sa mga trabahong pinahihintulutan, pagbili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamut at kadahilanang pangkalusugan. Kailangan pa ring magdala ng autodichiarazione kapag lumalabas ng bahay. Maglalabas ng bagong autodichiarazione ang Ministero dell’Interno sa susunod na mga araw.

Kinakailangan ding magsuot ng mask o anumang uri ng pangtakip sa ilong at bibig habang nakasakay sa mga pampublikong transportasyon at habang nasa mga enclosed spaces tulad ng supermarket, opisina, pabrika, at iba pa.

Nanawagan ang Embahada sa lahat na sundin ang mga patakarang ipinatutupad ng Gobyerno ng Italya. Pinapayuhan din ang lahat na patuloy na alagaan ang kalusugan at panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga patakarang ipinapatupad ng Gobyerno ng Italya bisitahin ang:

https://www.esteri.it/mae/it/ministero/normativaonline/decreto-iorestoacasa-domande-frequenti

Maraming salamat po.

27 Abril 2020