Nais ipaalam ng Embahada ng Pilipinas sa Roma sa lahat ng Pilipino sa Italya na naglabas ng bagong dekreto ang Presidente ng Konseho ng mga Ministro noong ika-10 ng Abril 2020 na muling nagpapalawig sa bisa ng paghihigpit sa paglalakbay sa buong Italya hanggang sa ika-3 ng Mayo 2020.
Sa ilalim ng nasabing dekreto ay pinapayagan nang magbukas ang mga piling establisyimento simula sa ika-14 ng Abril 2020. Para sa kumpletong listahan ng mga aktibidad na pinapayagan nang magbukas mula ika-14 ng Abril 2020, maaaring kunsultahin ang website ng Palazzo Chigi sa http://www.governo.it/it
Nanawagan ang Embahada sa lahat na patuloy na sumunod sa mga patakarang ipinatutupad ng Gobyerno ng Italya at iwasang lumabas ng bahay, maliban kung kailangan lumabas para pumunta sa mga trabahong pinahihintulutan, pagbili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot o kadahilanang pangkalusugan.
Pinapayuhan din ng Embahada ang lahat na patuloy na alagaan ang kalusugan at panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Ang lahat ay inaanyayahan na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo at updates ng pamahalaang Italya ukol sa COVID-19.
Maraming salamat po.
11 Abril 2020