Ipinapaalam ng Embahada ng Pilipinas sa Roma sa lahat ng mga Pilipino sa Italya na naglabas ng bagong dekreto ang Gobyerno ng Italya noong gabi ng ika-11 ng Marso 2020 ukol sa karagdagang paghihigpit sa paglalakbay sa buong bansa. Lahat ng mga komersyal na establisimiyento ay sarado maliban sa mga establisimiyentong nagbebenta ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo tulad ng pagkain at gamot. Ang bagong dekreto ay may bisa hanggang ika-25 ng Marso 2020.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng Embahada ang lahat na iwasan ang paglabas ng bahay, maliban sa kadahilanang pangkalusugan, para sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot, o iba pang emergency.
Kung talagang kailangang lumabas para sa mga nabanggit na dahilan, laging magdala ng autodichiarazione o self-declaration at mga identification documents na maaaring ipakita sakaling matanong sa mga checkpoints ng pulisya.
Pinapaalalahanan pong muli ang lahat na sumunod sa mga regulasyon ng Gobyerno ng Italya ukol sa COVID-19. Ang sinumang lalabag ay maaaring mapatawan ng parusang multa hanggang 206 euros o pagkabilanggo ng 3 buwan.
Maraming salamat po.
Embahada ng Pilipinas sa Roma, 12 Marso 2020